Hilig ko na ang magdrawing simula pa lang ng bata ako. Halos
lahat ay panay cartoons at anime na ginagaya ko mula sa sikat na K-Zone
magazine.
Nang mga panahong kami ay kapos na kapos sa pera na umabot sa punto na wala kaming pambaon sa school, pinagbebenta ko sa aking mga kaklase ang aking mga drawing sa halagang piso, dos hanggang limampiso kapag may kulay. Minsan ay tumatanggap ako ng mga gusto nilang ipadrawing.
Tandang-tanda ko pa yung kaklase ko na nagpadrawing sa akin ng Teletubbies dahil paborito niya ito. Ssshh! Nasa seminaryo na siya ngayon. Naalala ko rin nung napikon ako sa kaklase kong nangako na babayaran ako ng limampiso dahil ipinagdawing ko naman siya ng Harry Potter na nakasakay sa walis. May kulay pa rin ang isang iyon. Bukas niya raw babayaran. Pero kinaumagahan ay ibinalik niya sa akin ang aking drawing ko dahil xinerox niya ito. Mayroo nga pala silang xerox machine sa bahay. Asar na asar talaga ako nang araw na iyon sa kanya.
Hindi ako isa sa mga magaling na nilalang na biniyayaan
talaga ng talento sa pagguguhit. Tama na sa akin na marunong ako at isa pa ay
nalilibang ako.
Nawala na sa akin ang hilig na magguhit ng pumasok ako sa
seminaryo. Bigla na lamang akong nahiya sa aking mga ginuguhit dahil napakarami
palang talentadong seminarista. Naisip ko na baka pagtawanan lamang nila ang
aking drawing.
Ngayong nasa labas
ako ng seminaryo pansamantala ay nakita ko na lamang ang aking sarili sa
National BookStore na bumibii ng isang lapis at Sketch Pad.
Sinubukan ko ang aking mga kamay na gawin ang Sining na kung
tawagin nila ay Sketch. at ito ang aking kauna-unahang nalikha:
(Ang aking kauna-unahang naiguhit noong ika-23 ng Oktubre, 2015) |
Hindi ko man naabutan ang pamumuno ng Santo Papang ito ay
alam ko sa aking sarili na napakalapit niya sa aking puso. Tanda ko pa noong
maliliit pa lamang kami ay umuwi ang aming panganay na kuya dala ang balitang
Patay na ang Papa. Wala pa akong muwang para malaman ang tungkol sa mga
namumuno ng Simbahan pero may kaunting kirot sa akin na marinig iyon kahit na
ang totoo ay hindi ko kilala ang tinutukoy ni Kuya.
Napakarami kong natutunan sa kanyang talambuhay at mga
sinulat. hindi nga naman nakakapagtaka kung bakit napakarami ng sa kaniya ay
lumalapit at humihingi ng tulong- at isa na ako sa mga iyon.
Hindi man naging kasing ganda ng buhay niya ang aking
ginuhit, alam ko sa aking sarili na natutuwa siya dahil alam niya na isa siya
sa aking mga pinagkakatiwalaan. na balang araw ay magiging kagaya ko rin
siya.... Isang Santo!
No comments:
Post a Comment