Viva
San Juan!
Isang napakalaking pagpapala ang hatid ng araw na ito sa
bawat isang mananampalataya ng Simbahang Katolika. Dahil ngayon ang araw ng
Dakilang Kapistahan ni San Juan Bautista. Siya ang banal na ipinanganak ni
Isabel na noo’y napakatanda na ng mga panahong iyon at imposible nang
magkaanak. Subalit dahil sa namagitan ang Diyos ay nagpakita ang Anghel Gabriel
sa ama nitong si Zakarias at sinabi sa kanya na magkakaanak sila at ito’y pangangalanan
nilang Juan.
Si San Juan ang isinugo ng Panginoon upang ihanda ang
daraanan ng kanyang Anak na si Hesus. Siya ay tinawag na Bautista dahil sa
pangyayaring nagbibinyag siya sa Ilog Jordan. Siya rin ang nagbinyag sa kanyang
pinsang si Hesus. Namatay siya ng papugutan siya ng ulo ni Haring Herodes matapos ilagay ito sa plato ayon
sa kahilingan ng anak ni Herodias na kanyang pinangakuang ibibigay ang anumang
naisin nito.
Sa isang dako naman ng Pilipinas, dito sa amin sa may
Kanlurang bahagi ng Batangas ay kilalang-kilala na ang tradisyung nakasanayan
ng gawin ng mga tao sa tuwing sasapit ang ika-24 ng Hunyo.
Sa Bayan ng Lian,
kung saan naririto ang Parokya ni San Juan Bautista na itinalagang Archdiocesan Shrine of St. John The Baptist noong Ika- 29 ng Agosto, 2011 ay kilalang-kilala
ang debosyon ng mga tao kay San Juan. Nakagawian na ng mga tao ang “Santuhan” na tinatawag- kung saan ang replica ng nasabing santo ay iniiikot sa bawat sulok
ng bayan at madalas ay inililibot din sa karatig-Bayan nito upang maipalaganap ang pananampalatay sa mga tao.Noong panahong
una-una ay orihinal na imahe ang ipinapadala ng simbahan sa mga tao subalit nang
maging shrine na ito ay pinagpasyahan
na lamang na ilagay ang orihinal na imahe sa loob ng simbahan kung saan
napakarami rin ng pumipila at nagtitiis ng init at ngawit makahawak at
makahalik lamang sa Santo San Juan.
Ang Orihinal na imahe ng mahal na Poong San Juan
Bautista
(Photo by: Ver Bayaborda via Facebook)
|
Archdiocesan
Shrine of St. John the Baptist
|
Paghahatid
ng Poong Santo San Juan sa mga bahay-bahay.
|
Dito naman sa Bayan ng Balayan kung saan ang San Juan ay itinuturing nilang ikalawang
Patron ng bayan. Nakagawian naman ng mga tao rito ang “Basaan” kung tawagin. Ito ng literal na pagbubuhos ng tubig sa mga
taong bibisita sa bayan na ito sa araw ng kapistahan. Sumisimbolo ito sa
pagbibinyag na ginawa ni San Juan
Bautista noong panahon niya. Kaalinsabay
nito ang pangangaral niya sa mga taong sumusunod sa kanya tungkol sa pagdating
ng Mesiyas na siyang tutubos sa ating mga sala. Makikita mo ang iba’t-ibang
pamamaraan ng mga tao, bata man o matanda makapambuhos lamang ng tubig.
Mayroong gumagamit ng host. Ang iba
naman ay may dalang mga naglalakihang “water
guns”. Maroon din namang nagsasama ng yelo sa timba ng tubig upang
maramdaman ng tao ang kakaibang lamig na dulot nito. Makikita mo ang mga ngiti
ng mga tao sa pakikiisa sa pagdiriwang. Sabi nila, mag-antanda ka raw ng krus
kapag nabasa ka dahil ito ay isang biyaya.
Isa pa sa pinakahihintay na
kaugalian rito sa Balayan ay ang “Parada
ng Lechon”. Dito ay ipinaparada ang mga Lechong
Baboy at kanilang ginagayakan ng iba’t-ibang kasuotan. Libre rin ang
pagkurot sa mga lechong ito kaya
hindi mo kailangang mamroblema sakaling ikaw ay magutom. Ang kaugalian namang
ito ay sumisimbols sa hinarap na kamatayan ng ating santo at martir.
Ang
mga inihahandang mga Lechon.
(Image Source:http://www.metrokelan.com/oc-content/uploads/3/377.jpg)
|
Ang
mga lechon sa iba’t-ibang kasuotan
|
Lubha nga namang napakayaman ng
ating pananampalataya kaya naman tayo ay hinahangaan ng mga nakararami. Lahat
ay nagsasaya at lubos na natutuwa sa mga kaganapan sa araw na ito subalit ating
tatandaan kung ano ba talaga ang tunay na esensya ng ating pagdiriwang at kagalakan:
Ito ay walang iba kundi ang pagpapasalamat sa Poong Maykapal sa pagbibigay sa
atin ng huwarang Santo sa kababaang-loob na ipinakita nito at ang kasimplehang
taglay niya hanggang kamatayan. Na balang araw, ating pagsusumikapan at
ipagdarasal na maging katulad tayo ng ating patron….SAN JUAN BAUTISTA.
Viva San Juan!
No comments:
Post a Comment