Friday, July 8, 2016

Nang Ako'y Minsang Sumakay


05:30 pm Biyernes na! Makakuwi na rin kami ng bahay. Ito na, sa kasunod na van na lamang kami sasakay kasi puno na ang naabutan naming van. Ilang segundo lamang ay umalis na ito sabay namang ipinapaling ng kasunod na si manong driber ang kanyang sasakyan. “ Saan kayo?” tanong sa amin nung payat na barkero. “Tuy”, sagot ng aking kakambal. Saglit akong napalinga sa terminal ng SM.

Napakalaki na nito. Dati ay panay bus lamang ang nakaparada rito. Nang pinalawak na ang terminal, sumunod na ang mga multi-cab. Tanda ko pa noong pangatlo kong tuntong ng Lipa, ito ang sinabi sa amin nung lalaki na napagtanungan namin na dapat sakyan papuntang seminaryo. Multicab daw. Noon lang sa akin namulat ang sasakyang iyon.  Ang una ko kasing punta ng Lipa ay noong kumuha ako ng exam sa seminaryo. hatid-sundo naman kami ng driber ng aming kura- paroko noong mga panahong iyon. Ang ikalawang beses na punta ko naman ay pampasaherong jeep naman ang sinakyan naming ng aking ina. Palibhasa ay jeep at tricycle lamang ang madalas na nasasakyan ko sa amin.

Ngayon ay mayroon na nga ring mga van na diretso ng Bayan ng Nasugbu. Malaking alwan na rin sa aming malalayo ang lugar. Hindi na kami kanakailangang magtatlong saskay pa para lamang makauwi sa aming mga tahanan.

05:35 pm “Boss sa likod na kayo.” sabay bukas ni kuya ng likuran ng van. “Iihi lamang ako”, sabi ko sa aking kakambal. Tumango lamang siya. Pagkabalik ko ay muling binuksan ni kuya ang likuran ng sasakyan at pumasok na ako. Hindi pa rin pala ok ang van. Yun lamang ang nasa isip ko matapos makaupo habang naamoy ang kabuuan ng van.. Unti-unting nangangasim ang aking laway. Masamang senyales ito. Tanda na masusuka ka. Napalunok na lamang ako at inamoy ang aking hininga para hindi ko masyadong malanghap ang amoy ng sinasakyan namin.

Natawa ako ng aking maalala nung panahong kami ay madalas isama ng aming tatay sa Marikina para pumunta sa bahay ng kanyang kapatid dahil ipinapasada niya ang revo  nina tita. Hindi kasi kami sanay sa biyahe kaya lagi kaming nagsusuka ng aking kakambal. Hindi katulad ng sumunod na kapatid naming  babae na sanay sa biyahe. Natatakot na ako kapag nabanggit na ni tatay kay nanay na pupunta na muna kami sa Marikina. Gabi pa lamang ay bumibili na ako ng maraming Maxx na lemon flavor. Pangontra sa hilong dala ng byahe. Kailangan din ay may dala-dala kaming plastic labo sakaling hindi na namin talaga kaya. Nakakaasar kasi yung inilalagay na pabango ng BITICO. Mabuti naman ngayon ay hindi na kami gaanong nahihilo. Nasanay na rin siguro. Nanibago lamang siguro ako sa amoy ng van na ito.

05:50 pm Aalis na rin sa wakas. Anong oras kaya kami makakauwi? Alas-siete? Alas- otso? Bahala na. ang mahalaga ay makauwi.

06:00 pm Nag-iingay na yung batang nasa unahan namin. “Matulog ka na!” may kahalong inis na sabi ng nanay nung bata. Gusto rin kasing manood nung bata ng pinapanood niyang palabas nina Tony Gonzaga at Coco Martin. Sumikat nga ba ang palabas na iyon?

06:13 pm Hindi naman ako makatulog. Medyo masikip kasi ang puwesto namin. Apat kasi kaming nagsisiksikan sa likuran.

06:14 pm Buti na lang at medyo nawala na ang iniinda kong panghihilo. Naamoy ko kasi ang Nagaraya na kinakain ng katabi ko. Hindi naman ako natakam. Natatawa lang ako sa ingay ng kanyang pagkain. Yung katabi naman niyang lalaki sa kanan ay mahimbing ng natutulog. Tulog na rin ang aking kakambal sa aking kaliwa.

06:18 pm Hindi ako makatulog. Medyo tumatalon ang aming sasakyan sa bilis ng patakbo ni manong. Mabuti na rin yun ng makauwi ng mas maaga.

06:20 pm Cuenca na ito. Lumiliko-liko na rin kasi ang aming dinaraanan. Dito daw yung may mga manlalabas  na tinatawag nila. Dito rin kasi sa Cuenca ang kilalang bundok ng Maculot. Tama. Naakyat ko na rin iyon nung isang Lunes Santo apat na taon na ang nakakalipas. Kasama ko pa ang aking mga kaseminaristang kaklase at nasa ibang year na.
Dito rin yung bahay nung kaklase kong naka-dalawang taon rin sa kolehiyo. Siya yung napakasayang seminarista na napakasarap din mag-inom. Natawa ako bigla sa napakaraming beses na nagpupunta kami sa kanila.

06:38 pm Ma, malapit na ba tayo? Malapit na ba?” kinukulit na ulit nung bata yung kanyang ina na hindi pa rin tapos ang pinapanood na palabas. Nagising na ang aking kakambal at kinuha ang kanyang telepono at nagsimulang mag facebook. Ma, malapit na ba tayo?” Miss sabihin mo na lamang kaya sa anak mo na oo para makuha na niya ang sagot na hinihingi nya. Napangiti na lamang ako.

06:39 pm Alitagtag na ito. Sana dumaan kami ng Muzon.

06: 42 pm Ipinikit ko ang aking mata baka sakaling makaidlip ako kahit kaunti.

06:50 pm Nakapikit lang ako pero hindi ako makatulog. Ano kayang madaratnan sa bahay?

06:56 pm Narinig ata ni manong iniisip ko. Dumaan kami ng Muzon. Tandang-tanda ko ang lugar na ito. Dito kami madalas bumaba ng mga kapatid kong seminarista pauwi sa amin-aming mga tahanan. Pamula sa Robinson ng Lipa, sasakay ka muna ng jeep papuntang Lemery, Batangas. 45 na minuto na byahe ang kailangan naming hintayin. Pwede mong piliting matulog o kaya naman ay hayaan na lang na tumuka kapag kusa ka ng dinadamayan ng antok. Ang malala lang ay kapag nakatulog ka na at nakapaling ang iyong ulo sa braso ng iyong katabi. Makikita mo na lang rin ang mga kasama mong pigil ang tawa sa iyo.

Ibababa ka ng jeep na sinakyan mo sa may gasolinahan. Pamula naman doon ay maghihintay ka ng bus na galing Batangas City papuntang Nasugbu. Kapag ihing-ihi ka naman ay maglalabas ka lamang ng limampisong barya at hihingin ang susi sa cashier ng gaolinahan para makagamit ka ng kanilang palikuran.  Kamusta na kaya ang mga kapatid ko sa loob?

07:09 pm Napansin ko ang aking katabing katabing babae sa kanan na parang may inuusal na dasal kaya naman napa-antanda ako ng krus. Bakit nga ba nakalimutan ko ang magdasal bago umalis? Masyado na siguro akong maraming iniisip. Napakarami na ng gumugulo sa akin.

07:10 pm  Isa pa rin na nakasanayan ko ng gawin ay ang magdasal ng rosaryo habang nasa byahe ako. Napakasarap kasi sa pakiramdam na naipagdarasal mo ang kaligtasan ng mga kasama mong pasahero sa sasakyan.

07:13 pm Maya-maya pa ay saglit na tumigil ang aming sinasakyan na van sa may Xentro Mall ng Lemery dahil magbababa ng mga pasahero at may ilan din na nakaantabay na para makasakay.
07:14 pm Sumakay ang isang babae na marahil ay nasa edad 50 kung hindi ako nagkakamali ng tantiya. May kasama siyang isang bata. Hawak-hawak niya ang kanyang cellphone at nakadikit sa kanyang kanang tenga dahil sa kanyang kausap.
07:16 pm “Ugwa, bale guwaung... bulangkaiingan... into dami pay sa bahay eh..” Ano daw? Hindi ko alam ang dayalektong gamit ni ate.
07:18 pm “...Oo Sajona.” Bigla namang kaming nagkatinginan ng aking kakambal sa narinig namin. May kausap din sa telepono ang katabi kong pulis na ngayo’y nasa kanan ko na dahil bumaba na ang kaninang katabi kong babae.
07:19 pm “Itanong mo kung taga- saan? Baka kamag-anak natin.” Sabi ng aking kakambal sabay kabig sa akin.
07:21 pm Tinanong ko yung katabi naming mama na nakasuot ng uniporme ng pampulis na damit, matapos niyang ibaba ang kanyang telepono. Taga-Nasugbu daw siya. Iyon yung bayan kung saan kami ipinanganak at lumaki. Anak daw siya ng Linda Sajona pero nang tanungin kami kung kilala namin ay patangu- tango na lang kami. Sabi na lamang namin ay baka kilala namin sa mukha.
Tiyunin na daw namin siguro siya. Ikwenento niya na siya daw ang kaisa-isang anak ng kanyang tatay dahil nag-asawa ito ng iba. Siya daw yung anak na hindi pumunta sa burol at libing ng kanyang tatay dahil sa galit nya rito. Kahit na ang kanyang apelyedo ay pinapaltan niya sa Sanchez.
Pwede pala yun? Ang magalit ka na ng buong buhay mo sa iyong ama. Naalala ko tuloy ang aming tatay. Isang malaking lalaki na napakastrikto. Tanda ko pa rin nung mga bata pa kami na madalas kaming mapalo ng mahabang patpat na kawayan na tago-tago niya sa bahay kapag kami ay mdalas mag-away magkakapatid at kapag nakakagawa ng mali. Maliban sa kawayan ay mayroon din si tatay na makapal na lastiko na nakalagay lamang sa  bulsa niya palagi. Sigurado naman talagang lalatay sa iyong katawan ang bagay na iyon kapag hindi ka nagtino.
Minsan na ring ipinangako ko na balang araw ay gaganti ako sa aming tatay dahil sa kanyang kalupitan. Subalit ito pala ay dala lamang ng poot ng isang bata na naghahangad lamang ng pang-unawa ng isang ama. Ngunit ngayon iyon ay isang bagay na akin na lamang nginingitian kapag naaalala. Hinihilom nga rin pala ng panahon ang sugat at sakit na dala ng bangungot ng isang bata
07:23 pm Kay Kuya kaya? Kailan mahihilom ng panahon ang kanyang bangungot?
07:26 pm Tahimik na ulit ako sa sasakyan. Samantalang ang aming “tiyuhin” ay patuloy naman sa kanyang kwento. Hindi na nga lamang sa amin kundi sa babaeng nasa unahan niya. Tinananong niya ang apelyido at ang pamilya nito.
07:28 pm Sa bawat sagot nang babaeng kausap ng aming “tiyuhin daw” ay sasabihin niyang kilala marahil siya ng tatay o lolo o ng kapatid nang babae. Ilang beses niyang pinapaulit-ulit na nadestino na siya sa mga lugar kung saan kami nakatira at ang babaeng kausap niya dahil nga sa ito ay isang pulis.
07:33 pm Sa bawat pasaherong pumapara upang bumaba ng sasakyan ay sasabihin ng aming “tiyuhin daw” na katabi ko ay, Diyan sa Salong, ang pugad ng mga adik! Napakarami ko ng nahuli dyan!”, “Diyan sa patrng iyan, marami ring adik!” Buong pagmamalaki niyang sinasabi. Pagkatapos ay may kasama pang pagmumura ang kanyang mga kwento. Pulis nga ang taong ito.

07:37 pm Bigla namang may pumara na isa pang babae sa may gitnang upuan ng van. Tatawa- tawa ito dahil nakalagpas siya sa kanyang dapat babaan. Napatawa na lang rin ang aming driber.

07:42 pm Sabungan na ng Balayan! Kung mayroon isang napakalapit sa aking lugar dito sa Batangas, ito’y walang iba kundi ang sabungan ng Balayan. Pamula pagkabata ay madalas naming itong makita o madaanan.
Kapag pupunta ng Jolibee tuwing kaarawan namin. Kung nais naming makisaya sa basaan kapag San Juan ng Abente-Kuwatro ng Hunyo. Dito rin ibababa ang mga pasaherong ililipat ni Manong driber sa ibang bus o van kapag tinamad na silang mamasada at gusto ng umuwi. Ito rin ang tiyak na una mong bababaan kapag pupunta ka para mangaroling sa mga parokya. At siyempre, ito rin ang senyales na malapit na akong makarating sa aming bayan.

07:45 pm Biglang bumilis ang takbo ng aming sasakyan sa may parteng Brgy. Obispo kung aming tawagin.

07:46 pm Tama. Hindi nakakapagtakang napakabilis ng panahon. Napakarami ng napakarami na nga ring nangyari sa aking buhay. Napakarami ko na ring mga bagay na pinagdaanan. Napakarami na ring mga pagsubok ang dinala ko at nilampasan.
Sinong mag-aakalang makakarating ako sa puntong ito?
Sinong makakapagsabi na walang kabuluhan ang bawat hibla ng aking kwento?
Marahil opinyon ng iba ang magsabi ng ganuon? Hindi ko sila masisisi.

07:50 pm “Manong sa may gate lang po bago sumapit ng tulay”, para ng aking kakambal. Bumaba na nga kami. Tahol ng mga aso ang sumalubong sa amin pagkabukas ng gate.

07: 51 pm Oo nga. Salamat sa Diyos, nakarating rin kami!


No comments:

Post a Comment