Thursday, July 28, 2016


Siya si Aneth. isang napakagandang bata na nakilala ko sa isang parokya na aking tinigilan ng mahigit tatlong buwan isang taon lang ang nakakalipas. Napakamasayahing bata ni Aneth at napakagaling kumanta, mana sa kanyang ama na soloista sa simbahan. 

Subalit sa ngiting ito ay may natatagong kakaibang kwento. Isang malungkot na realidad na dinaranas marahil ng maraming musmos sa panahon ngayon. sa kwento ng kanyang ama, nakipaghiwalay ang kanyang ina at sumama sa ibang lalaki. Ngunit kahit ganoon ang nangyari ay minabuti pa rin ng kanyang ama na bigyan ng pagkakataon na makita at makapiling ng kanyang ina si Aneth kung naisin nito.Nag-uusap silang mag-ina, nagkakamustahan. subalit hindi na katulad ng dati. Medyo malaki na ang agwat nila dahil sa murang edad pa lamang ay alam na ni Aneth ang pakiramdam ng maiwan at ang ibig sabihin ng hindi "Buong Pamilya."

Nang minsang nakikipag-usap ako sa mga katekista tungkol sa mga pangyayari tuwing kasalan ay narinig kami ng batang si Aneth at sinaway kami na huwag daw naming pag-usapan iyon. nang tanungin namin siya kung bakit ay sinabi na lamang niya na ayaw niyang mag-asawa. Dala ng pagkagulat ay wala na kaming nasabi kundi ang katahimikan na lamang ang siyang aming naging tugon.

Masakit na karanasan at mapait na katotohanan. Sa pagkakamali ng magulang ay bakit ang mga bata ang nagdurusa? Bakit kaya sa paghahangad nating mga tao lalo na tayong mga nakakatanda na magkaroon ng mas masayang pamilya kahit na maisakripisyo ang pamilya ay ang mga anak ang sumasalo ng ating mga pagkakamali? Ilan kayang pangarap ang napawi ng pagkakataon at ilan na kayang ngiti ang natakpan dahil sa pagiging makasarili natin?

???

...


No comments:

Post a Comment